MAY ISANG PARU-PARO
August 12, 2008 by aseroproduction
PARA SA MAHAL KO…
May mga umagang ‘di makita ang pagngiti ng araw,
pati pagkaway ng mga ulap ay ‘di matanaw.
Paglipas ng maghapo’y tila walang kabuluhan,
puso ko’y labis na nababalot ng kalungkutan.
May mga gabing ‘di makita ang liwanag ng buwan,
dampi ng hangi’y ‘di madama sa katawan.
Sa pagdaan ng magdamag ay labis na nalulumbay,
may kabuluhan pa nga ba ang mabuhay?
Subalit minsan sa’king pagtulog ay biglang nabulabog,
sa’king balintataw isang hugis ang nahubog.
Isang paruparong kaakit-akit ang kulay,
ako’y nabighani at napaibig na tunay.
Paruparong sinta, ano ba’ng meron ka?
Sa buhay kong ito’y ayaw nang mawalay pa.
Ikaw na nagbigay ng bagong pag-asa,
‘Di ko kakayanin kung mawawala ka.
Kung hahawakan nang mahigpit ika’y mamamatay,
kaya’t aking aalagaan at iingatang tunay.
Paruparong giliw, huwag lilipad papalayo,
manatili sa piling ko, bihagin ang aking puso.
copyright (c) 2006 by JEFFREY MARCELINO ONG
