I’m currently writing a story for NGINIIIG Pocketbook. Well, it’s another GHOST STORY na medyo may social relevance. Share ko sa inyo ang chapter one para ma-tease kayo na abangan sa bookstores! Hehehe!
"AKIN ANG KATAWAN MO!"
sa panulat ni JEFFREY MARCELINO ONG
MANDALUYONG; IKA-8 NG MAYO, 2004; SABADO.
Magulo ang siyudad. Maingay ang mga sasakyang buhol-buhol sa trapiko, busina roon, busina rito. Buhay na buhay ang mga negosyante, mga tindero’t tindera. Mistulang palengke ang kalye, namumulaklak sa mga sidewalk vendors. Kanya-kanyang raket naman ang mga de-unipormeng hunyango, tiket kabi-kabila, kolekta maya’t maya. Umaalingasaw ang mga imburnal na nagbabara dahil sa pinagsama-samang basura ng lipunan. Nakadagdag pa sa kalat ang mga flyers at election posters na naglipana. Namumulaklak rin ang mga pader at poste sa mga mukha ng kandidatong naghahangad na maluklok sa iba’t ibang posisyong kadalasa’y nagiging mitsa ng maraming mga pagkakasala. Maingay ang mga usap-usapan, nakakabingi ang bulung-bulungan. Panahon ng eleksiyon, fiesta sa buong bayan!
Nakikigulo sa “sabong” ang mga tambay sa ibaba ng lumang boarding house. Mas mainit ang usapan kapag idinadaan sa inuman.
“Bakit? Ano ba’ng nagawa niyang kandidato mong pandak para sa bayan? Palitan na kasi iyon, dapat ‘yung kandidato ko!”, bulalas ng jeepney barker na si MILOY sabay tagay ng gin sa maliit na baso.
“Gago ka pala, e…may plataporma ba naman ‘yang manok mo?!”, pambabara naman ni OBET na isang fish vendor.
“Gago ka rin! ‘Wag mo akong minumura! Put*@#$!”, nag-init ang tenga ng una sa narinig, binaliktad nito ang mesang pinag-iinuman. Nagkalat ang alak at mga pulutan.
“Tarantado ka!”, nagpakawala ng suntok ang isa, tinamaan sa panga si Miloy. Napasubsob ito subalit agad na bumangon, mabilis na binigyan ng sunod-sunod na bigwas si Obet. Nailagan ng huli ang iba subalit dalawa ang tumama sa kanyang kanang mata, putok ang kilay nito, sumargo ang dugo.
PRRRRRTTTTTTTT!
Mabilis na dumating ang dalawang unipormadong pulis na nagkataong nagroronda sa lugar na iyon, huli sa akto ang nag-aaway, hindi na nakatakas ang mga ito, agad na pinosasan ng mga alagad ng batas.
“Ang titigas din naman ng ulo ninyo! Nagawa n’yo pang mag-inuman, e malapit na ang eleksiyon!”, galit na nasabi ng pulis habang kinakaladkad papunta sa mobile car ang isa sa mga na-bagansiya.
“Walang kadala-dala ang mga ‘to! Malamig na rehas sa halip na mga misis n’yo ang hihimasin n’yo mamayang gabi!”, saad naman ng isa pa na may bitbit sa isa rin sa mga hinuli.
Nasaksihan ni CHRISTY ang mga pangyayari, kanina pa niya gustong umuwi subalit hindi siya makababa mula sa ikatlong palapag ng gusaling iyon sa pangambang bastusin ng mga lasing.
“Ayan, may dumating na mga pulis. Wala nang nag-iinuman sa baba. Uuwi na ako.”, naglakad ang dalaga papalayo sa bintana matapos banggitin iyon.
“Mamaya ka na umuwi, KJ ka naman, e…”, tugon ni SHERYL na kasalukuyang may isinusulat sa isang malapad na karton.
“Baka kasi hinahanap na ako sa amin…”
“Bakit? Papaluin ka ba ng nanay mo? Christy naman, beinte dos ka na. Magkasungay ka naman paminsan-minsan…”, udyok ng isa pang dalaga roon, si ROXANNE.
“E bakit ba ayan n’yo pa akong paalisin…?”, usisa ni Christy.
“Maglalaro tayo…”, tugon ni Sheryl, “Heto nga’t tapos na ‘to…”
Inilapag ng dalaga sa sahig ang karton na nilagyan ng mga bilog-bilog. Sa bawat isa nito’y may mga numero at letra. Ipinatong naman ni Roxanne sa ibabaw ang isang mataas na baso.
“E, ano ba iyan…?”, hindi maintindihan ni Christy kung ano ang binabalak gawin ng mga kaibigan.
“Spirit of the glass!”, sagot ni Sheryl.
“Spirit of the…naku! Ayoko! Kayo na lang, may sa demonyo iyan! Hindi ba’t isang paraan iyan ng pakikipag-usap sa mga kaluluwa?”, nahihintakutang tanong ng dalaga.
“Christy, kaluluwa ang tatawagin natin, hindi demonyo!”
“E, paano nga kung demonyo ang pumasok?! Basta ayoko, kayo na lang! Uuwi na ako…!”
“Ano ka ba? Hindi puwedeng dalawa lang kami, maki-join ka na!”, pamimilit ni Roxanne.
“Katuwaan lang ito, Christy…huwag kang matakot…”, pangungumbinse ni Sheryl sa kaibigan.
“Hay naku…ang kukulit n’yo…sige na nga…matigil lang kayo…basta ha…’pag natakot ako, tatakbo ako, iiwan ko kayo, huwag n’yo akong pipigilan!”, napilitang maupo sa tabi ng dalawa si Christy.
“Deal!”, pagsang-ayon ni Sheryl.
“Ayan! Ang saya-saya nito!”, na-excite si Roxanne.
Inumpisahan ng tatlo ang ritwal, nakapaikot sila ng upo sa ouija board, nakapikit ang mga mata at may inuusal na bulong na itinuro kanina ni Sheryl sa dalawa niyang kasama.
Umihip ang malamig na hangin mula sa labas ng bintana, nanuot iyon sa kalamnan ng magkakaibigan.
Sabay-sabay na ipinatong ng tatlong babae ang kanilang mga hintuturo sa ibabaw ng nakataob na baso.
Hindi nikita ng kanilang mortal na nga mata ang biglang paglitaw ng isang lalaking multo, nakaupo ito sa isang silya na nasa sulok ng silid na iyon.
“May kasama ba kami sa kuwartong ito ngayon…?”, mahina ang nanginginig na boses ni Sheryl.
Napalingon ang multo sa tatlo, tumango ito.
Hindi pa rin natitinag ang baso sa ibabaw ng ouija board.
“Kung nandiyan ka, magparamdam ka sa amin…”, si Roxanne naman ang nagsalita.
Naglakad ang multo mula sa upuan papalapit sa tatlong dalaga, ipinatong rin nito ang kanyang daliri sa baso, kumilos ito patungo sa bilog na may nakalagay na “YES”.
Agad na kumabog ang dibdib ng magkakaibigan dahil sa pangyayari. Lakas loob pa rin na nagtanong si Sheryl.
“Anong pangalan mo?”
Unti, unting kumilos ang baso, inisa-isa ang mga letrang “I”… “V”… “A”… at “N”. Nabuo ang pangalang…
“IVAN…Ivan ang pangalan niya…”, napamulagat si Roxanne.
Biglang may kumalabag sa Pinto, sabay-sabay na napatili ang tatlo dahil sa pagkagulat. Tumilapon ang ouija board. Nabasag ang baso.
“Hoy! Anong pinagkakaabalahan n’yo?!”, si Aling Belya ang dumating, nanay ni Sheryl.
“Nay naman, e…papatayin mo kami si takot…”, sambit ng dalaga habang humihingal pang hinihimas ang kanyang dibdib.
“Anong kalokohan na naman ba iyang ginagawa n’yo?!”
“Wala po, tita…”, si Roxanne ang sumagot habang inililigpit ang mga bubog ng nabasag na baso.
“Sigurado kayo ha…?”, paniniyak ng matanda, “Baka mamaya nag-a-adik kayo…”, dugtong pa nito.
“Nay…mukha ba kaming nagda-drugs?”, napataas ang isang kilay ni Sheryl.
“Aba’y bahala na nga kayo, basta walang kalokohan, ayos iyan…ipagluluto ko pa kayo ng espesyal na miryenda!”, tugon ng matanda.
“Naku, mabuti pa nga ho, mamaya lang gutom na kami!”, sabad ni Roxanne.
“Pasensiyahan n’yo na’ng nanay ko, ganyan talaga iyan…naku, ituloy na nga natin ‘to…”, napangisi si Sheryl nang sabihin iyon.
Natawa rin sina Christy at Roxanne.
Nakatayo sa may bintana ang multo ni Ivan, pangiti-ngiti rin ito. Biglang may duguang kamay na humablot rito mula sa labas ng bintana, biglang nawala sa silid na iyon ang binatang multo.
Iniayos muli ni Roxanne sa ang ouija board at naglagay ng panibagong baso.
“Bilisan n’yo, balik sa dating puwesto…! Ano na kaya’ng nangyari kay Ivan?”
Ipinatong muli ng tatlong ang kanilang mga daliri sa ibabaw ng baso.
“Ivan…nandiyan ka pa ba…?”, panimulang tanong uli ni Roxanne.
Hindi kumilos ang baso, nagkatinginan ang tatlo.
“Magsalita ka naaman…”, mahinang sabi ni Sheryl kay Christy sabay siko rito.
‘K-kung naririnig mo kami…magparamdam ka…”, napipilitang usal naman ni Christy.
Hindi nakikita ng tatlo nang isang duguang kamay ang pumatong rin sa baso at inumpisahan iyong pagalawin.
Dahan-dahang nagpalipat-lipat sa mga letra ang baso.
“W-Wala…na…dito…”, binabasa ni Sheryl ang mensaheng nabubuo, “s-si…Ivan…wala na rito si Ivan…!”
“Ha? E, s-sino ‘yan…?”, nagtatakang bulalas ni Roxanne.
Kumilos muli ang baso.
“D-Dan…iel…Daniel!”, basa ni Sheryl sa binuong pangalan.
“Daniel naman ngayon…Daniel, asan na si Ivan?”, usisa ni Roxanne.
Hindi gumalaw ang baso.
“Ang KJ naman ng multong ito. Ibalik mo nga si Ivan!”, may pagkainis na nasabi ni Sheryl.
“Bakit ikaw ang sumagot sa panawagan namin ngayon, Daniel…”, muling pagtatanong ni Roxanne.
Nagkaroon muli ng pagkilos.
“Gus…to…ko…si…”, sinusundan ni Sheryl ang isinusulat ng espiritu.
Huminto na naman ang baso.
“S-sino…? Sino ang gusto mo…?”, kinakabahan si Roxanne.
Nagpatuloy ang mensahe. Nag-umpisa sa letrang “C”, sumunod sa “H”, pagkatapos “R”, dumiretso sa “I” at sa “S’.
“EEEEEEEEEEEEEEEE!”, napatili sa pagkagimbal si Christy.
Biglang tinabig ng dalaga ang ouija board kahit hindi pa tapos i-spell ang pangalan niya. Basag uli ang baso.
Nagkatinginan sina Sheryl at Roxanne, sabay nilang nilingon ang nanginginig at takot na takot na si Christy.
“Christy…ikaw yata ang…ang…”
Hindi na natapos ni Sheryl ang kanyang sinasabi.
“Ayoko na!”, sindak napatayo si Christy at nagmamadaling tumakbo palabas ng pinto.
Hindi nakakibo ang dalawa, hindi na nila tinangkang sundan ang kaibigan, hindi rin ito papipigil. Nasabi na niya ito kanina.
BITIN BA?! HEHEHE! ABANGAN N’YO NA LANG SA BOOKSTORES, SIGURO MGA MONTH OF AUGUST! DON’T FAIL TO WATCH NGINIIIG PARANORMAL INVESTIGATION EVERY FRIDAY, 9:00PM SA STUDIO 23!